Nasunog ang isang motor yacht habang naglalayag sa karagatang sakop ng bayan ng Tingloy, Batangas nitong Martes ng umaga, Enero 27.
Walang naipaulat na nasaktan sa 7 crew na lulan ng yate matapos silang mailikas ng Philippine Coast Guard-District Southern Tagalog (CGDSTL).
Ayon sa PCG Southern tagalog, agad silang rumesponde nang makatanggap ng ulat bandang alas-7:35 ng umaga mula sa isang PCG personnel na sakay ng dumaraang passenger vessel na nakakita ng makapal na usok at apoy mula sa Motor Yacht Allusive.
Batay sa paunang ulat, bumiyahe ang Allusive kasama ang convoy vessel na motor yacht Neptimus 3 mula Puerto Galera patungong Punta Fuego sa Nasugbu, Batangas upang dumalo sa isang yacht sailing event.
Habang naglalayag sa karagatan ng Tingloy, bigla umanong sumiklab ang apoy sa engine room ng Allusive, na posibleng electrical failure.
Kinumpirma ng Coast Guard na nasa maayos na kalagayan ang lahat ng crew at walang naiulat na nasugatan.
Hinila naman ang nasusunog na yate sa baybayin upang maiwasan ang panganib sa iba pang sasakyang pandagat.





