CAUAYAN CITY- Isa ang kumpirmadong nasawi sa karambola ng apat na sasakyan sa Barangay Ambatali, Ramon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin ang hepe ng Ramon Police Station, sinabi niya na naganap ang aksidente madaling araw kahapon kung saan sangkot ang isang kotse, dalawang motorsiklo at isang truck.
Batay sa kanilang pagsisiyasat magkakasunod na binabagtas ng dalawang motorsiklo at elf truck ang Barangay Road palabas ng Barangay Ambatali.
Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nakasagian ng Bjaj Motorcycle na minamaneho ni Reymon Resurrection ang sedan, dahil dito nawalan ng kontrol sa manibela si Resurrection sanhi para bumangga sa kaniya ang kasunod na motorsiklong minamaneho ni Noli Valdez.
Dahil sa malakas na ilaw ng sedan ay nasilaw ang sumusunod pang elf truck sanhi para hindi nito agad makita ang mga bikti, sinubukan ng tsuper na si Allan Lamina na umiwas sa banggaan subalit naabutan parin ang mga biktima bago dumiretso sa poste ng kruyente ang truck at tumagilid sa gilid ng daan.
Nasawi ang pasahero ng isang motorsiklo na si Roger Aguila sa insidente habang mabilis na tumakas sa lugar ang sedan.
Sa ngayon ay hinahanap na nila ang driver ng tumakas na pulang sedan lalo at nakuha nila ang plaka nito na dadaan na sa verification.
Inaalam narin ng Pulisya kung bakit nasa Bayan ng Ramon ang mga biktima na pawang mga lulan ng motorsiklo.











