CAUAYAN CITY- Puspusan ang ginagawang pagbabakuna ng Department of Agriculture kontra sa anthrax sa humigit kumulang 100,000 na alagang baka at kalabaw sa buong rehiyon dos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Manuel Galang ang Veterenarian III ng DA Region 2 sinabi niya na nagpapatuloy ang pagbabakuna nila kontra sa anthrax sa mga alagang baka at kalabaw kung saan ilan sa mga lugar na kanilang puntiryang bakuhana ang 70% ng kanilang vaccination areas na binubuo ng high risk areas na nakapagtala na ng anthrax cases sa nakalipas na taon kabilang ang Tuao, Alcala, Amulung, Sta. Teresita, Peñablanca at Lal-lo sa Lalawigan ng Cagayan, mga bayan ng Angadanan, San Mariano, Echague at Jones para naman sa Lalawigan ng Isabela.
Layunin ng 70% vaccination areas o katumbas ng humigit kumulang isang libong baka at kalabaw na makamit ang sapat na immunity laban sa anthrax sa nabanggit na mga lugar.
Sa kabila ng tuloy-tuloy na vaccination ay pinawi ng DA Region 2 ang pangamba ng mga magsasaka dahil may sapat na pondo at bakuna katuwang ang Bureau of Animal Industry.
Aniya, bagamat may mga kasong naitala sampung taon na ang nakalipas ay hindi parin dapat magpabaya dahil ang anthrax virus ay kayang magtagal sa lupa loob ng 50 hanggang 100 years.
Mahigpit aniya na ipinag babawal ang pagkatay o pagkain ng karne ng hayop gaya ng baka o kalabaw na infected ng anthrax dahil sa ang sakit na ito ay maaaring makahawa sa tao sa pamamagitan ng spores.
Ilan sa mga sintomas ng anthrax sa hayop ay ang sudden death o biglaang pagkamatay ng mga baka at kalabaw na sinusundan ng pagdurugo o bleeding na makikita sa bibig, mata,tainga, ilong, pwet,ari at balahibo.
Mapapansin din na ang kalabaw o baka na infected ng anthrax ay hindi tumitigas at nanatiling malambot kahit na matagal na itong namatay.
Kung makakain ng tao o magkakaron ng skin contact sa hayop na infected ng anthrax maaaring magdulot ito ng Cutaneous Anthrax, Inhalation Anthrax, at Gastrointestinal Anthrax.
Ang anthrax sa tao ay may 20 to 80% moratality rate subalit maaaring nagagamot kung maagang natutuklasan at maaagapan.











