CAUAYAN CITY – Sinisiyasat na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang disenyo ng gumuhong Cabagan – Sta. Maria Bridge.
Ayon sa DPWH, sa halip kasi na bakal na lubid ang nakakabit sa nasabing suspension bridge ay mga solid steel beams ang inilagay upang sumuporta sa nasabing tulay.
“This is a unique design..First of its kind dito,” pahayag ni DPWH Secretary Manuel Bonoan sa isang panayam.
“Yung cables kasi nito are solid steel hindi strand, hindi cable strand. When you do this kind of structure, dapat cable strands ang ginagamit dito kasi may tensile stress ito,”dagdag pa niya.
Unang natapos ang nasabing tulay noong 2018 kung saan umabot sa P600 million nagasto sa pagtatayo nito.
Gayunman ay hindi ito agad na nabuksan sa publiko dahil sa mga kailangang baguhin sa disenyo nito.
Noong 2022 muling nagsagawa ng retrofitting sa nasabing tulay kung saan natapos naman ito noong 2024 at umaabot naman sa 300 million pesos ang ginasto para sa pagsasaayos.
Nito lamang Pebrero ay binuksan ang nasabing tulay para sa mga ligth vehicle lamang. Gayunman ay gumuho rin ito ilang linggo lamang mula nang ito ay binuksan matapos dumaan ang isang truck na may mabigat na karga.
Sinasabing 44 tons lamang ang kapasidad ng naturang tulay subalit umaabot umano sa 100 tons ang bigat ng truck na dumaan.
Ayon kay Sec. Bonoan, posibleng ito ang dahilan ng pagguho ng tulay.
“Overstressed yung bridge, 200% yata,” ayon sa kanya.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng DPWH ang mga posibleng kaso na isasampa laban sa truck company.











