Dinakip ng pulisya ang limang high value individual drug suspect sa ni-raid na drug den sa Curifang, Solano, Nueva Vizcaya.
Ang mga nahuli ay pawang mga lalaki na kinabibilangan ng isang 33-anyos, residente ng Curifang, Solano, Nueva Vizcaya, 31-anyos, residente ng Quezon, Solano, Nueva Vizcaya, 19-anyos, 28-anyos, at 31-anyos, pawang mga residente sa Brgy. Curifang, Solano, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Officer Rosario Abella ng PDEA Nueva Vizcaya sinabi niya na nadiskubre ang nasabing drug den sa pamamagitan ng confidential na informant.
Aniya ginagamit ang bahay bilang bilihan at taguan ng droga ng mga nahuling suspek at kanilang parokyano.
Bago nahuli ang limang suspek ay nagsagawa muna ng casing surveillance at ilang serye ng test buy sa pamamagitan ng kanilang mga assets sa mismong bahay na ginagamit na drug den.
Nalaman din ng PDEA na dalawang bahay ang ginagamit ng mga suspek kung saan lumilipat sila kapag mayroon ang mga magulang sa bahay.
Ayon sa transaksyon ng informant sa mga suspek, kapag bibili ng droga sa kanila ay pinapagamit na rin ang kostumer sa mismong bahay na parang panggive-away o freebie ng mga suspek.
Nakuha naman ng mga pulis sa pag-iingat ng mga suspek ang 21 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P142,936 at dalawang vape cartridge na naglalaman ng 5ml na marijuana oil na nagkakahalaga ng P10,000.
Nakuha rin sa loob ng bahay ang mga drug paraphernalia gaya ng toother at aluminum foil.
Batay sa kanilang imbestigasyon, ang marijuana oil ay binibili pa nila sa ibang bansa sa pamamagitan ng online.
Sa ngayon ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.