--Ads--

Pinuri ni Dr. Clifford Dela Cruz ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) matapos maaresto ang isa sa mga suspek sa pagpaslang sa kaniyang asawang si Lullete Jane Ramilo-Dela Cruz, dating Miss Philippines Earth 2013 3rd Runner-Up at isang public school teacher.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Kenneth,” 30-anyos, na dinakip sa Barangay San Isidro, Cainta, Rizal noong Nobyembre 23, 2026, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.

Nangyari ang krimen noong Pebrero 13, 2026, sa Barangay Cabaritan, San Manuel, Isabela, kung saan pinagbabaril si Ramilo-Dela Cruz habang nasa loob ng kaniyang SUV sa harap ng kanilang tahanan.

Kasama niya noon ang kanilang tatlong anak at ama ng kaniyang asawa. Ayon sa naunang ulat, niyakap pa umano ng biktima ang dalawa nilang anak upang protektahan ang mga ito nang pagbabarilin siya. Ligtas naman ang mga bata, bagama’t naging saksi ang isa sa kanila sa insidente.

--Ads--

Sa kaniyang pahayag sa social media, sinabi ni Dr. Dela Cruz na ang naarestong indibidwal ay isang lookout o “tiktik” na positibong kinilala umano ng mga saksi. Iginiit niyang nananatiling nakatakas ang dalawang gunman at umaasa siyang magiging mahalagang susi ang pagkakaaresto upang matukoy ang mga utak sa likod ng krimen.

Gayunman, batay sa impormasyon mula sa San Manuel Police Station, natukoy ang pagkakasangkot ng naarestong suspek sa pamamagitan ng mga pahayag ng mga testigo at forensic evidence. Ipinakita rin umano ng CCTV footage na dalawang indibidwal ang sangkot sa pamamaril.

Bukod dito, ibinahagi ni Dr. Dela Cruz ang kaniyang mga hinaing kaugnay ng kasong isinampa laban sa kaniya habang nagtatrabaho sa ibang bansa. Aniya, may kaugnayan ito sa reklamo ng bullying sa paaralan na kinasangkutan ng kanilang pamilya. Iginiit din niyang may mga dokumentong dapat umanong kumpidensiyal na naipamahagi sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

Sinabi niyang batid na umano ng Department of Justice at Department of the Interior and Local Government ang kaniyang mga inilapit na usapin.

Sa huli, nanawagan si Clifford na manaig ang hustisya para sa kaniyang asawa nang walang anumang panghihimasok sa politika, habang hinihintay ang pagpapatuloy ng kaso.