Sumalpok sa poste ng kuryente ang isang delivery van sa Barangay Alinam, Cauayan City, Isabela.
Ayon sa Driver ng Van, galing silang Metro Manila at magdedeliver lang sana ng mga sapatos at damit sa isang Mall sa Lungsod ng Cauayan at Tuguegarao City.
Hindi umano nito natansya ang gutter ng tulay sa pinangyarihan ng insidente dahilan upang mawalan ito ng kontrol at sumalpok sa poste ng kuryente sa gilid ng daan.
Dahil sa lakas ng impact ay naputol ang nabangga nitong kahoy na poste ng kuryente at nayupi rin ang harapang bahagi ng sasakyan.
Ayon sa driver, madilim sa lugar na pinangyarihan ng insidente kaya hindi nito gaanong napansin ang gutter ng tulay.
Itinanggi rin nito na siya ay naka-idlip dahil uminom umano siya ng energy drink para hindi makatulog.
Maliban sa mga rumespondeng kasapi ng Rescue 922 at Public Order and Safety Division ay nagtungo rin sa lugar ang Isabela Electric Cooperative upang pansamantalang putulin ang linya ng kuryente na konektado sa nabanggang poste.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Ronald Peralta ng Barangay Alinam, sinabi niya na marami nang naaksidente sa naturang lugar dahil na rin umano sa kakulangan ng ilaw.
Nilinaw naman niya na ang nabanggit na tulay na malapit sa pinangyarihan ng insidente ay parte na umano ng bayan ng Alicia.
Gayunpaman ay lalagyan na aniya nila ng streetlights ang bungad ng tulay dahil sila rin lang umano ang unang rumeresponde tuwing may naitatalang vehicular accident sa lugar.