--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang honor student matapos itong malunod sa NIA-irrigation system sa Brgy. Turod, Quezon, Isabela.

Ang biktima ay si Princess, 14-anyos, Grade 8 student, at residente ng Brgy. San Jose Norte II, Mallig, Isabela.

Batay sa ulat ng Quezon Police Station isang concerned citizen ang nagparating sa kanila ng insidente na agad nilang tinugunan.

Batay sa imbestigasyon nakita pa umano ng 12-anyos na kaibigan ng biktima na naliligo siya sa gitna ng irigasyon nang bigla umano itong malunod.

--Ads--

Sinubukan umano itong saklolohan subalit nabigo sila kaya naman tumawag na sila ng tulong sa rescuers na nagsagawa ng rescue operation.

Agad ding nahanap ng isa sa mga barangay tanod sa ilalim ng tubig ang katawan ng biktima na agad dinala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival.

Dahil sa insidente inihayag ni Ginoong Manolo Palafox ang Officer- In charge ng NIA-Mallig Irrigation system sa panayam ng Bombo Radyo na, nakipag ugnayan na sila sa Barangay Official ng Turod at tinungo ang Irrigation system.

Batay sa pakikipag ugnayan nila sa Barangay Officials ay nalaman nilang nagtungo umano doon ang biktima kasama ang kaniyang ama at kaibigan para mag picnic.

Giit niya na dati nang may ordinansa ang Barangay na nagbabawal sa paliligo sa irigasyon dahil napaka delikado aniya ang pagtungo doon lalo na kung nag oover flow ang tubig dahil maaaring madulas ang sinomang naroon.

Maliban sa ordinansa ay mayroon din silang polisiya na restricted area ang loob ng dam at ang picnic area ay pinapayagan 500 meters sa labas.

Aniya nagronda naman ang mga tanod sa lugar at nakita pa umano ang mga nagpipicnic sa baba ng dam subalit pag alis umano ng mga nag roronda ay nagtungo na ang mga kabataan sa loob.

Nadulas umano ang biktima kasama ang isa sa mga kaibigan nito bago naganap ang insidente.

Hindi naman aniya kalaliman ang dam kaya hinala nila na maaaring nagtamo ng injury sa ulo mula sa pagkadulas ng dalagita bago nalunod.

Nakipag ugnayan narin ang NIA-Mallig sa eskwelahan ng biktima at napag alaman na nakatakda sana itong dumalo sa kanilang school recognition bukas dahil isa siya sa mga honor student ng eskwelahan.

Aminado naman ang NIA-Mallig na hindi ito ang unang beses na may nahulog o nalunod sa lugar dahil may mga naitala na ring ganitong insidente noon na nagtulak sa Barangay para gumawa ng ordinansa.