Nalunod ang isang lolo sa ilog Cagayan na nasasakupan ng Barangay Auitan, San Pablo, Isabela.
Ang biktima ay si Alejandro Peñatrante isang animnaput dalawang taong gulang na magsasaka at residente ng Brgy. San Jose, San Pablo Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Froilan Fariñas, Deputy Chief of Police ng San Pablo Police Station, sinabi niya na umaga ng May 15, 2025 nang magkayayaan ang biktima at kaibigan nitong isa ring senior citizen na mangisda sa ilog.
Napunta ang biktima sa malalim na parte ng ilog at nahirapan na itong makaahon sanhi upang siya ay malunod.
Agad namang humingi ng tulong ang kaibigan nito at nang matanggap ng MDRRMO San Pablo ang impormasyon ay agad silang rumesponde sa lugar.
Agad silang nagsagawa ng paghahanap sa katawan ng biktima na kalaunan ay natagpuan ang wala nang buhay na biktima.
Ayon kay PLt. Fariñas, napag-alaman nilang hindi marunong ang biktima at kaibigan nito at hindi rin sila pamilyar sa bahaging iyon ng ilog.
Aniya ito ang unang drowning incident na naitala sa kanilang bayan ngayong taon kaya pinaalalahanan niya ang mga residente ng San Pablo Isabela na maging maingat sa pagtungo sa mga ilog lalo na kung hindi pamilyar sa malalim na bahagi upang makaiwas sa pagkalunod.
Bilang babala sa mga nagtutungo sa ilog ay nakatakdang maglagay ng signages ang PNP katuwang ang mga opisyal ng barangay upang maiwasan na ang ganitong pangyayari.
Tiniyak din niya ang patuloy na pagsasagawa nila ng Oplan Tambuli upang magbigay paalala sa publiko sa kanilang kaligtasan.