CAUAYAN CITY- Nalunod ang isang lalaki sa ilog na nasasakupan ng Barangay Estrella, San Mateo, Isabela.
Ang bikitima ay si Reynaldo Fernandez alyas “Lovely” , 42 anyos na residente ng Barangay Cuatro, San Mateo, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Jovener Dupilas ng San Mateo, Isabela, sinabi niya na ayon sa mga saksi, umaga pa lamang ng Sabado De Gloria ay uminom na ng nakalalasing na inumin ang biktima at dito na umano niya tinangkang magpalunod.
Dahil dito ay pinapauwi na umano siya ng kaniyang mga kasama ngunit nagpumilit itong manatili sa ilog.
Kinahapunan, dito na napaulat na nalunod ang biktima.
Nagawa pa naman ng awtoridad pangunahin na ang mga bystander na naroroon na mahanap ang kaniyang katawan ngunit wala na itong malay nang matagpuan.
Isinailalim pa umano ito sa Cardiopulmonary resuscitation (CPR) ngunit nang dahil sa wala itong pulso ay hindi na ito na-revive pa.
Ito aniya ang unang pagkakataon na may nalunod sa naturang lugar dahil hindi naman kalaliman ang ilog doon.
Dahil sa insidente ay hindi na nila pinapayagan ang mga lokal na turista na mag-picnic sa ilog kung saan nalunod ang biktima.











