Agad na tumugon ang mga awtoridad matapos na makatanggap ng tawag kaugnay sa isang bangkay na natagpuan sa Sitio Lidlidaak, Barangay Macray, Bangued, Abra, partikular sa Lidlidaak-Siit farm-to-market road.
Agad na rumesponde ang hanay ng Bangued Municipal Police Station at natagpuan ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na nakahandusay sa daan.
Ang biktima ay may tali sa kamay at paa gamit ang lubid, at ang kanyang bibig ay tinakpan ng packaging tape. Siya ay nakasuot ng navy-blue na t-shirt at berdeng shorts. Kalaunan ay nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang ina.
Sa lugar ng krimen, natagpuan ang labing-walong (18) basyo ng bala ng kalibre .45, tatlong (3) bala ng parehong kalibre, at pitong (7) basyo ng shotgun shell. Sa masusing imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na pinamunuan ni PCapt. Ryan Dave Castillo, nakarekober ang grupo ng kabuuang dalawampung (20) basyo ng bala ng kalibre .45, tatlong (3) bala ng .45, pitong (7) basyo ng shotgun shell, at isang (1) shotgun shell.











