Patay ang kasalukuyang alkalde ng bayan ng Rizal, Cagayan matapos silang pagbabarilin sa Barangay Hall ng Brgy. Illuru Sur, dakong 9:30 kagabi, Abril 23, 2025.
Kinilala ang mga biktima na sina Mayor Joel Ruma, ang kasalukuyang Mayor ng Rizal, at Merson Abiguebel. Agad silang isinugod sa Tuao District Hospital para sa agarang lunas, subalit idineklarang dead on arrival si Mayor Ruma ng umasikasong doktor.
Sa ngayon ay hindi pa nakikilala ang mga suspek sa krimen.
Kaagad namang kumilos ang Rizal Police Station at iba pang himpilan ng Cagayan Police Provincial Office upang tugunan ang insidente. Agad na nagsimula ng hot pursuit operations ang mga patrol units habang ang flash alarm ay ipinadala sa lahat ng istasyon ng pulisya sa Rehiyon Dos.
Isinasagawa rin ang mga high-risk checkpoints sa mga karatig-bayan upang maharang ang pagtakas ng mga suspek.
Kaagapay din ng lokal na kapulisan ang Cagayan PNP Provincial Forensic Unit upang masusing maimbestigahan ang pinangyarihan ng insidente. Samantala, nagsasagawa na rin ng clearing operations ang Regional Mobile Force Battalion 2 sa lugar.
Hinihikayat ng pamunuan ng PRO 2 ang publiko na agad ipagbigay-alam ang anumang impormasyon na maaaring makatukoy sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng mga responsable sa krimen.











