CAUAYAN CITY- Humarap sa Bombo News Team ang Kapitan ng Barangay La Paz sa Cabatuan Isabela, matapos na pumutok ang issue kaugnay sa eleksyon sa kaniyang nasasakupan.
Matatandaan na mabilis na kumalat sa social media ang kuhang Video ni BM Grace Areola kaugnay sa kahina-hinalang aktibidad umano sa loob ng lumang barangay hall ng La Paz.
Ito ay matapos na makita ng Team Legal at Tama ang maraming taong pumipila sa labas ng gusali.
Ayon kay Punong Barangay Santiago Ganal, hindi ipinaalam sa kaniya na gagamitin ang dating barangay hall para pagsagawaan ng poll watcher’s screening ng isang partido.
Aniya, nagulat na lamang siya sa nangyari dahil walang koordinasyon sa kaniya ang isa sa kaniyang barangay kagawad na tumatakbo ring Sangguniang Bayan Member.
Samantala, sa naging pagpapahayag ni Kagawad Willie Martin, isa sa mga kagawad na nagdesisyon na magsagawa ng pagpupulong sa dating barangay hall at tumatakbo ring Sangguniang Bayan member, sinabi nito na nagdesisyon sila kasama ang ilang mga kagawad na doon na isagawa ang pagpupulong.
Aminado rin ito na poll watcher’s screening ang isinagawa ng kanilang partido sa nasabing pasilidad
Ayon din sa kagawad, alam niyang bawal na gamitin ang mga pasilidad o kagamitan ng pamahalaan para sa mga tumatakbong kandidato kung ito ay personal na interes
Dipensa niya, inisip niya lang ang kapakanan ng mga taong sumusuporta sa kanilang partido,marami ang gustong maging poll watcher’s at kakaunti lang ang makukuha rito.
Tiyak aniya na magdadamdam ang iba na hindi makukuha kung isasagawa pa ang poll watchers screening sa mga pribadong lugar dahil sa gastos sa pamasahe.
Kinumpirma rin niya na ang nagscreen sa mga watcher’s ng kanilang partido ay si SB Jasmin Miano.
Didinagdag pa niya na hindi ID kundi stub ang binibigay nila para sa mga nag aaply bilang poll watcher.
Samantala, tinungo din ng Bombo Radyo News Team ang Comelec Cabatuan upang kunin ang kanilang panig sa naturang usapin.
Ayon kay Election Officer III Ruth Barangan, nakarating sa kanilang opisina ang insidente.
Aniya may tumawag sa kanilang opisina na may nangyayaring vote buying sa nasabing lugar kung kaya’t pinapunta niya ang mga tauhan ng Comelec kasama ang PNP upang mag imbestiga.
Maliban dito ay may nakarating din sa kanilang reklamo tungkol sa pagbabahagi ng mga ID Card sa lugar kung kayat sinabihan niya ang mga nagsumbong na kuhanan ng video at larawan ang nangyayaring pamamahagi ng Id cards at magpasa ng formal complaint.
Sa ngayon kasi aniya, walang nagpapasa ng pormal na reklmao tungkol sa isyu at wala ring nagbibigay ng affidavit upang ito ay maipasa nila sa higher authorities.
Nang tanungin ng Bombo Radyo Cauayan kung may paglabag ba sa ginawa ng nasabing partido sa paggamit sa pasilidad sa personal na interes.
Sinabi ng Comelec na mayroong paglabag ngunit mananatiling nakatali ang Comelec kung walang pormal na maghahain ng reklamo.
Kaugnay nito, sinikap ng Bombo Radyo News Team na kunan ng pahayag si SB Jasmin Miano na kasama sa loob ng dating barangay hall nang mangyari ang insidente ngunit ayon sa Munisipyo lumuwas ito dahil sa personal na lakad.
Sa pangalawang araw din na bumalik ang Bombo Radyo sa PNP Cabatuan, wala ang chief of Police at deputy chief of Police nito, ayon sa mga pulis doon, nasa Isabela Police Provincial Office ang mga opisyal para sa isang aktibidad.
Samantala, Naniniwala si Mayor Charlton Uy na walang naging paglabag ang kanilang partido dahil sa paggamit ng pasilidad ng Pamahalaan para sa pagsasagawa ng poll watcher screening sa Barangay La Paz, Cabatuan, Isabela.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Uy, sinabi niya na wala naman siyang nakikitang paglabag dahil sa luma na ang Barangay Hall pero kung sakali mang meron ay hihintayin na lamang nila kung mayroong magsasampa ng reklamo na handa nilang sagutin.
Binigyang diin niya na malinaw sa nakuhang video ni Board Member Grace Areola na walang naganap na pagbabayad sa mga poll watchers at ang kinukwestiyong pagkuha ng cellphone ng mga nag aapply na watcher ay para lamang hindi maabala ang ginagawang screening.
Samantala, naglabas din ng pormal na pahayag ang Team Legal at Tama kaugnay naman sa alegasyon ng illegal detention.
Batay sa pormal na pahayag ng kampo ni Atty. Randy Areola walang naganap na illegal detention sa mga taong nasa loob ng lumang Barangay hall bagkus sila ang hindi pinapasok ng mga ito matapos na kwestiyunin kung bakit doon nagsasagawa ng screening.
Batay na rin sa Video ni BM Grace Areola isang lalaki ang nahagip na siyang nagsara ng pintuan at nilagyan pa ng tabing ang glass door ng lumang barangay hall.









