--Ads--

CAUAYAN CITY- Aminado ang Commission on Election o Comelec Region 2 na nag iba na ang kalakaran ng vote buying ngayong halalan dahil hindi na ang mga kandidato ang nag babahay-bahay para mamimili ng boto kundi mga botante na ang pinapapunta sa mga bodega para doon bilhin ang kanilang boto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, sinabi niya na batay sa kaniyang personal na karanasan madalas na pag may vote buying stations na maiuulat sa PNP, paparating palamang ang mga otoridad ay nagpupulasan na ang mga namimili at nag benta ng boto.

Aniya nakakalungkot at nakakadismaya dahil sa ngayon ay lantaran na kinukunsinti ng mga botante ang pamimili at pagbebenta ng boto sa halip na sila ay mag reklamo.

Paalala muli ng komisyon na sa usapin ng vote buying kailangan nila ng konkretong ebidensya at pagsasampa ng pormal na reklamo na sana ay galing mismong mga botanteng nasaloob ng vote buying site.

--Ads--

Sa katunayan aniya may ilang impormasyon na rin siyang natanggap na kahapon ay nagkaroon na ng vote buying sa Cauayan City sa halagang 500 pesos maliban pa ito sa mga viral post sa social media kung saan may namudmud ng bigas habang may nagbigay naman ng pera sa bodega sa bahagi ng Cabatuan, Isabela.

Pangkaraniwan aniyang nangyayari nagsusumbong ng ilang botante subalit takot sila na maghain ng kaso dahil sa usapin ng seguridad, ayon sa Comelec ang sinomang botante na maghahain ng reklamo laban sa mga tiwaling kandidato ay isasailalim sa Witness Protection Program.

Batay sa batas exempted din sa criminal liability ang vote seller at hindi kakasuhan kapalit ng kaniyang affidavit at testimoniya.

Hindi naman umaasa ang Comelec Region 2 na may mahuhuli pa silang kandidato na lalabag sa money ban sa araw ng Sabado dahil sa sobrang talamak na ng pamimili ng boto, sa katunayan aniya halos kalahati karamihan na ng mga Bayan maging Lunsod sa Region 2 ay nagsagawa na ng vote buying.