CAUAYAN CITY- Inilahad ni Binibining Santiago 2025 Zakaree Zea Bouffard ang kaniyang journey sa Binibining Santiago 2025.
Ilang araw matapos ang pageants ay hindi parin siya makapaniwalang naiuwi niya ang korona matapos ang ilang buwang paghahanda.
Sobra ang gulat niya ng marinig na ianunsyo na ang kaniyang pangalan.
Labis siyang nagpapasalamat sa lahat ng mga kaanak, kaibigan at kapamilya na nagbigay ng suporta at pagbati sa kaniyang pagkapanalo.
Adbokasiya ni Zea ay ang pagpapalakas sa Literacy o karunungan at pamumuno.
Nais din niya na imulat ang mga kapwa kabataan sa kahalagahan ng edukasyon, sa katunayan aniya ay mayroon silang programa sa kanilang eskwelahan kung saan isinusulong ang pagbabasa at pagsusulat.
Aniya mahalaga ang unti-unting progreso sa kaniyang adbokasiya kung saan sisimulan niya sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga bata sa pagsusulat at pagbabasa hanggang sa maging handa na para mapalawig pa ang proyekto.
Aniya mula pagkabata ay nabigyan siya ng pagkakataon para magkaroon ng access sa quality education noong siya ay nasa China pa lamang subalit namulat siya sa realidad ng lumipat siya sa Pilipinas at nakita na hindi lahat ng mga kabataan gaya niya ay nabibigyan ng pagkakataon para sa magandang kalidad ng edukasyon.
Nagsimulang mamulat si Zea sa mundo ng pageantry ng ma-inspire siya habang nanonood ng Miss Universe, noong una ay hindi agad siya nagkaroon ng lakas ng loob na pumasok sa patimpalak pagandahan hanggang sa makatanggap na siya ng mga alok para sumali at tuluyang napamahal sa pageantry ng siya ay sumali sa Binibining PSAI.
Tinitiyak naman niya na magkakaroon siya ng sapat na oras para gampanan ang kaniyang tungkulin bilang Binibining Santiago 2025 sa kabila ng kaniyang busy schedule lalo na at siya ay kasalukuyan paring nag-aaral.
Aminado naman si Zea na star struck siya kina Robi Domingo at Miss Universe 2028 Catriona Grey na siyang host ng Binibining Santiago.
Payo niya sa mga kapwa kabataan na nagnanais na sumabak sa mundo ng pageantry na ipagpatuloy ang kanilang pagsisikap para maabot ang kanilang pangarap.








