CAUAYAN CITY- Pinag-iingat ng Echague Police Station ang lahat ng mga magsasaka matapos makatanggap ng report kaugnay sa isang alagang baka na kinatay ng hindi pa nakikilalang salarin sa Sta. Monica, Echague Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Abner Accad, Deputy Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi niya na kanilang natanggap ang ulat sa tulong ng mga barangay official sa lugar.
Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya na galit ang dahilan kaya kinatay ang baka na pagmamay-ari ni Roger Agustin.
Tinanggalan ng lamang loob at dalawang paa ang baka at tsaka iniwan na lamang ito kung saan ito itinali ng may-ari.
Ayon pa kay Deputy, ito ang kauna unahang reklamo ng pag patay sa alagang baka ngayong taong ito subalit mayroon nanaman silang natanggap na ulat kanina ng nawawalang baka.
Batay sa panibagong ulat ng isang magsasaka, nawawala ang kanyang 2 taon na alagang baka tatlong araw na ang nakalilipas at ngayon lamang mag re-report ang may-ari.
Batay kasi sa salaysay ng magsasaka, tila tinaga ang lubid na tali ng baka .
Sa ngayon ay sinisiyasat pa ng pulisya kung nakawala lamang ang baka o intensyon itong kinuha ng mga kawatan.
Pinapayuhan naman ang publiko na itali sa ligtas na lugar ang mga alaga upang hindi ito nakawin o katayin ng mga masasamang loob.











