--Ads--

CAUAYAN CITY- Inaasahan na ang pag-uumpisa ng pagpapatayo ng panibagong dam sa bahagi ng Tumauini Isabela ayon sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano III, sinabi niya na inaprubahan na ng National Economic and Development Authority o NEDA ang proposed project at nakatakda na itong isailalim sa bidding.

Ito ay may proposed budget  na aabot ng P12 hanggang P14 billion.

Ayon kay Gov. Albano sa susunod na tatlong taon ay inaasahan ang paggawa ng dam na malaki ang magiging benepisyo sa mga nasa Northern Isabela pangunahin na sa Ilagan, Cabagan, Tumauini, Sta. Maria at San Pablo Isabela.

--Ads--

Dahil sa kawalan ng irigasyon ay puro mais ang itinatanim sa Northern Isabela kumpara sa Southern Isabela na mayroong irrigation canals na nagmumula sa Magat Dam.

Malaki ang maitutulong nito sa mga magsasaka dahil hindi na lamang sila aasa sa sahod ulan at isang cropping lamang sa mais.

Kung ikukumpara ang sitwasyon ng pamumuhay ng mga nasa Northern Isabela at Southern Isabela ay malayong mas maganda na ang pamumuhay ng mga nasa Southern Isabela dahil sa patubig.

Malaki rin aniya ang maitutulong ng mga ipapatayong dam dahil nagsisilbi itong catch basin tuwing tag-ulan at naiiwasan ang mga flash flood.

Sa pamamagitan ng mga dam ay nakokontrol ang daloy ng tubig at hindi didiretso o raragasa sa mga kabahayan kapag nararanasan ang malakas na pag-ulan.