Pansamantalang isasara simula June 10, 2025 ang Minanga Bridge sa Tumauini, Isabela upang bigyang-daan ang konstruksyon ng bagong istruktura.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DPWH Region 2 Public Information Officer Maricel Asejo, sinabi niya na ang gagawing demolistion sa Old Minanga Bridge ay bahagi ng Bridge Program na layuning tiyakin ang mas ligtas na tulay.
Simula ngayong araw ay isasara ang Old Minanga Bridge para bigyang daan ang gagawing pagtatayo ng bagong tulay sa lugar.
Aniya ang dahilan nito ay ang mga lumang steel girders ng Old Minanga Bridge na itinayo pa noong 1973 at nanatiling nakatayo sa loob ng limamput dalawang taon kaya naman dahil sa ilang depekto ay kailangan na itong palitan ng mas matibay na tulay.
Hindi naman makakaapekto ang gagawing demolisyon ang daloy ng trapiko dahil sa mananatiling bukas ang parallel bridge na binuksan noong nakalipas na taon at may dalawang lane para sa two-way traffic na maaaring daanan ng anumang uri ng sasakyan.
Ang itatayong bagong tulay ay may initial allocation na P241 million kasama ang demolition at re-construction ng pundasyon.
Magkakaroon din ng mga warning signages sa paligid ng proyekto upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Pinapayuhan ang mga motorista at residente na sumunod sa mga nakapaskil na abiso habang isinasagawa ang proyekto.
Samantala, maliban sa Minanga Bridge ay binabantayan din nila ang Ipil Bridge na una na ring nakitaan ng minor damages dahil sa katandaan at una na ring humiling ng quick response fund para sa gagawing repairs.