--Ads--

Binaril ng pulis ang isang lalaking nagtangkang umiwas sa checkpoint at bumunot pa ng baril at kinasahan ang sumitang pulis sa bahagi ng City of Ilagan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Jeffrey Raposas, Hepe ng City of Ilagan Police Station sinabi niya na nangyari ang insidente sa ginagawang bypass road kung saan nakita umano ng mga pulis ang hindi na pinangalanang suspek na residente ng Guibang, Gamu, Isabela na sakay ng kanyang motorsiklo at binabaklas ang harang sa daan para dumaan ito sa bypass road.

Kasalukuyan kasi ang isinasagawang checkpoint ng PNP sa unahan kaya para makaiwas ay nagtangka itong dumaan sa ginagawang bypass road.

Sinita umano ito ng pulis ngunit bigla itong bumunot ng baril at itinutok sa kanya kaya niya ito inunahang pinaputukan ng baril.

--Ads--

Nagtangka pa itong tumakbo para tumakas ngunit napatigil at natumba dahil sa tinamong tatlong tama ng bala sa kanyang braso, hita at sa kanyang bukong-bukong o ankle.

Agad naman itong dinala sa pinakamalapit na pagamutan para malapatan ng lunas ang tinamo nitong sugat.

Nakatakda namang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Comelec Gun Ban at RA10591 o Illegal Possession of Firearms.

Ayon kay PLtCol. Raposas posible rin itong masampahan ng kasong Attempted Homicide.

Dahil sa nasabing pangyayari ay dadagdagan na ng PNP ang bilang ng pulis na magmamando sa checkpoint na malapit sa bypass road upang mapigilan ang mga motoristang nagpupumilit dumaan sa sarado pang kalsada.

Papaigtingin din nila ang intelligence gathering sa mga mamamayang nag-iingat ng hindi lisensyadong baril dahil sa kasalukuyan pa rin ang Gun Ban.

Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga motorista na kumuha na lamang ng lisensya at iparehistro ang sasakyan upang hindi umiiwas sa mga checkpoint.

Aniya ang mga isinasagawang checkpoint ay para rin naman sa kaligtasan ng publiko at upang mapanatiling mapayapa ang lugar.