CAUAYAN CITY- Tumaas ang naitalang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa buong Region 2 ngayong taon batay sa talaan ng Department of Health.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Janet Ibay, Infectious Desease Cluster Head Region 2, sinabi niya na mas dumarami ang naitatalang kaso sa bawat taon dahil bukas na sa publiko ang usaping HIV.
Simula noong taong 1984 hanggang ngayong buwan ng Mayo taong 2025, nakapagtala na ng 2,393 na kaso ng HIV sa rehiyon at patuloy pa ang pag dami dahil nahihikayat na nila ang mamamayan na magpa HIV screening.
Kung dati ay takot ang mga tao na magpa HIV test ngayon ay normal na lamang aniya ito kung saan maging mga kalalakihan ay hindi na rin natatakot na mag tungo sa mga clinic.
Aniya, bagaman wala pang gamot sa HIV ay hinihikayat pa rin ang mga residente na makipag-ugnayan sakanila dahil may mga gamot na pwedeng gamitin upang mapahaba pa ang buhay ng mga positibo sa sakit.
Lahat naman ng mga dokumento at pagkakakilanlan ng mga pasyente ay confidential kaya lalong nahikayat ang mamamayan na magpascreening.
Kalimitan umano sa mga positibo sa HIV ay mga edad 15-24 na pinangungunahan ng mga kababaihan.
Upang mapababa naman ang kaso ng sakit sa rehiyon 2, patuloy ang ginagawang hopping ng bawat City o Municipal Health Office sa bawat bayan.
Personal na binibisita ng mga kawani ng DOH ang mga hotel, bar, salon, at ilan pang lugar upang ipaunawa kung saan nakukuha ang HIV at anong dapat gawin sakaling malaman na sila ay posibleng maysakit nito.











