--Ads--

Tiniyak ni Vice Mayor Elect Atty. Harold Respicio na kanyang gagawin ang tama sa kanyang pag-upo bilang Vice Mayor ng Reina Mercedes Isabela.

Nakatakdang iproklama ng Commission on Election o COMELEC ngayong araw si Atty. Respicio bilang nanalong Vice Mayor ng Reina Mercedes.

Matatandaang hindi agad naiproklama bilang nanalong Vice Mayor si Atty. Respicio dahil sa disqualification case nito mula sa Comelec.

Una na rin siyang sinampahan ng reklamong paglabag sa Anti-Cybercrime Law dahil sa kaniyang post sa social media patungkol sa umano’y “vulnerability” ng makina sa halalan.

--Ads--

Sa kabila nito inihayag niya na kukuwestiyunin pa rin niya ang integridad ng halalan dahil sa mga sinasabi niyang technical protocol na hindi sinunod ng Comelec.

Ayon kay Atty. Respicio, asahan na ng mga residente ng Reina Mercedes ang pagbabago sa kanilang bayan at titiyakin umano niyang walang mangyayaring kalokohan sa kanyang panunungkulan.

Tiniyak din niyang lahat ng kanyang ipinangako sa kanyang pangangampanya ay ila-lobby at pagbobotohan ng konseho sa kanyang pag-upo sa pwesto.

Iginiit ni Atty. Respicio na ngayong tapos na ang halalan ay iwaksi na ang mga nangyari sa nakaraan at magtrabaho na para sa ikauunlad ng Reina Mercedes.

Ito ay kaugnay sa agam-agam ng publiko dahil sa karamihan sa mga nanalong Councilor sa kanilang bayan ay hindi niya kaalyado at maaring dito ay magkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa kanyang mga nais na ipatupad sa kanyang panunungkulan.

Ikinatuwa naman niya ang naging pahayag ni Mayor Maria Saguban na handa itong makatrabaho at makipagtulungan sa kanya.

Samantala inihayag ng pamunuan ng Comelec Reina Mercedes na handa na sila para sa magiging proklamasyon ni Atty. Respicio bilang bagong bise mayor ngayong araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Election Officer Maria Rowena Geronimo ng Comelec Reina Mercedes sinabi niya na tulad pa rin ng dati ang gagawin nilang paraan ng proklamasyon.

Aniya nananatili silang patas hinggil sa direktiba ng Comelec na maiproklama na si Atty. Respicio bilang Vice Mayor Elect ng bayan ng Reina Mercedes.

Iginiit niya na lahat ng aksyon na ginawa ng kanilang tanggapan ay nakabatay sa mandato ng Comelec at walang bahid ng pulitika.

Hindi agad naiproklama bilang nanalong Mayor si Atty. Respicio dahil sa disqualification case nito mula sa Comelec.

Sinampahan din siya ng reklamong paglabag sa Anti-Cybercrime Law dahil sa kaniyang post sa social media patungkol sa makina sa halalan na pwedeng ma-hack ang system.