--Ads--

Inilahad ni Brooklyn Park Police Chief Mark Bruley ang kaniyang saloobin matapos madakip ang lalaking hinihinalang responsable sa pamamaril kay Minnesota House Speaker Emerita Melissa Hortman at sa kaniyang asawang si Mark. Ayon kay Bruley, hindi lamang ito isang trahedya kundi isang personal na pagkawala.

Ayon sa hepe, natanggap niya ang nakapanlulumong tawag mula sa kanyang sergeant ukol sa insidente isang pamamaril sa bahay ng mga Hortman.

Ginamit ng mga awtoridad ang drone upang galugarin ang loob ng bahay at matukoy kung naroon pa ang salarin. Matapos makumpirma ang pagtakas ng suspek, nagsimula ang isa sa pinakamalawak na manhunt sa kasaysayan ng Minnesota.

Kinilala ang suspek bilang si Vance Boelter, na nagpanggap umanong pulis at sapilitang pumasok sa tahanan ng mag-asawa bago sila barilin ng maraming beses.

--Ads--

Sa pananaw ni Bruley, si Boelter ay tila isang “prepper” na may mga nakatagong gamit o sandata sa lugar. Bagama’t inasahan niyang lalaban ito, ikinagulat niyang kusa itong sumuko.

Nahaharap ngayon si Boelter sa mga kaso at maaari umanong mahatulan ng kamatayan kung mapapatunayang nagkasala. Maliban sa pagpatay sa mag-asawang Hortman, sinasabing pinaputukan din niya si Minnesota State Senator John Hoffman at asawa nitong si Yvette, na parehong nakaligtas.

Nabatid na tinangkang puntahan ng suspek ang mga tahanan ng iba pang opisyal ng estado, kabilang si State Senator Ann Rest, na pinaniniwalaang naligtasan ang kapahamakan dahil sa maagap na presensiya ng pulisya.

Nahuli si Boelter kinabukasan sa isang rural area malapit sa kanyang bahay. May dalang baril ngunit hindi na nanlaban.

Inihayag ni Bombo International News Correspodent Marissa Pascual, sinabi niya na matapos ang insidente ay activated na ang lahat ng mga pulis para matiyak ang seguridad ng mga Senator kung saan nagpalipat-lipat ng lugar ang suspek gamit ang iba’t ibang sasakyan bitbit ang masterlist ng kaniyang mga target na lahat ay may kinalaman sa abortion dahil napag-alaman na si Boelter ay isang Anti-Abortion advocate at dati na ring nakatrabaho ang mga Hortman sa isang proyekto.

Sa ngayon ay hindi pa malinaw ang motibo ng suspek sa pamamaril sa mag-asawa.

Matatandaan na una na ring naharang ng mga otoridad ang asawa ni Boelter kung saan nakuha mula sa sasakyan ang $10,000 at iba’t ibang armas na nakapangalan sa suspek.

Nadiskubre din ng mga otoridad na ang suspek ay dating nagtrabaho sa isang security firm kaya may idea ito sa pagsusuot ng uniporme at pagpapanggap bilang pulis.