--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pamunuan ng Barangay San Antonio, Cauayan City matapos matagpuan ang labi ng isang babaeng sanggol na palutang-lutang sa irrigation canal sa Sitio Tabbaruk.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Kenneth Tumbaga, sinabi niyang isang magsasaka ang unang nakakita sa sanggol na lumulutang malapit sa pilapil. Agad itong iniulat sa mga otoridad at agad ring nirespondehan ang insidente.

Naipagbigay-alam na rin sa pulisya ang pagkakatagpo, at nagsagawa na sila ng imbestigasyon. Sa ngayon, hinihintay ang pinal na pasya ng PNP kaugnay sa paghahatid ng labi ng sanggol sa New Public Cemetery.

Nagsimula na ring magsagawa ng monitoring ang mga miyembro ng Barangay Health Workers (BHW) sa lahat ng mga nanganak at buntis sa San Antonio at sa karatig-barangay ng Amobocan upang matukoy ang posibleng ina ng sanggol.

--Ads--

Ayon sa paunang pagtaya ng mga opisyal, posibleng malapit lamang sa lugar ang nagtapon sa sanggol, dahil ang irrigation canal ay kilala lamang ng mga lokal. Hindi rin umano ito maaaring mula sa main canal dahil may harang o screen sa irigasyon, at malayo ang pinangyarihan na isang daang metro mula sa mga kabahayan.