--Ads--

CAUAYAN CITY- Bumababa na ang bilang ng kaso ng teenage o adolescent pregnancy sa Cauayan City kumpara sa parehong mga quarter noong nakaraang taon.

Ayon kay Rouchel Pareja, Population Program Officer II ng Population Office-Cauayan City, mula sa 74 kaso ng adolescent pregnancy noong unang quarter ng 2024, ay 55 kaso na lamang ang naitala sa unang quarter ng kasalukuyang taon.

Bagamat wala pa silang opisyal na datos para sa buwan ng Abril hanggang Hunyo 2025, positibo ang opisina na mananatiling mababa ang kaso sa ikalawang quarter.

Magandang senyales umano ito, ayon kay Pareja, na posibleng hindi na maabot o mahigitan ang 199 kaso ng teenage pregnancy na naitala noong buong taong 2024.

--Ads--

Layunin din ng ahensya na mapababa pa ang ranggo ng lungsod sa talaan ng may mataas na insidente ng teenage pregnancy. Noong 2024, pumangalawa ang Cauayan City sa apat na lungsod sa Region 2—at target na bumaba ito sa rank 4, ang pinakamababa sa talaan.

Dagdag pa ni Pareja, nasa edad 15 hanggang 19 taong gulang ang karaniwang edad ng mga kabataang maagang nabubuntis sa lungsod.

Samantala, patuloy ang information drive ng Population Office katuwang ang iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan upang mapigilan ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan. Kabilang dito ang planong pagbisita sa mga paaralan at barangay upang magbigay ng kaalaman at gabay sa mga kabataan.