Magsasagawa ng mga information drives ang Population Office – Cauayan City upang matigil ang stigma sa maagang pagbubuntis o teenage pregnancy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Population Program Officer Rouchel Pareja ng Population Office Cauayan City sinabi niya na na sa mga nakalipas na panahon ay nakatuwang nila sa pagsasagawa ng symposium ang Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa mga out of school youths kaugnay sa naitatalang pagdami ng teenage pregnancy sa lungsod.
Nakatakdang isagawa ang mga information drives na ito ngayong buwan ng Hulyo.
Ngayon ay pagtutuunan naman nila ng pansin ang mga kabataang kasalukuyang nag-aaral.
Sa ngayon aniya ay mas naging mahigpit na ang kanilang pagtatala sa mga kabataang maagang nabubuntis dahil pinagkukumpara na ito sa datos ng City Health Office at Midwife sa barangay.
Mayroon na ring mismong pirma ang mga nabubuntis para sa mas makatotohanang datos na nakokolekta kaugnay sa bilang ng mga kabataang nabubuntis sa lungsod ng Cauayan.
Karamihan sa mga edad ng mga kabataang nabubuntis sa lungsod ay nasa 15-19 bagamat may edad 12 na siyang pinakabata.
Nakatakda namang ipatayo ang tinawag nilang Teen Center na isang pasilidad na pwedeng puntahan ng mga kabataan para maglaro, maibahagi ang kanilang saloobin at matuto sa pagbabasa at iba pang educational activities na nakatuon sa paglinang sa mga kabataan.
Magkakaroon naman ng peer helpers na gagabay sa mga kabataan.