--Ads--

CAUAYAN CITY- Naiuwi na sa Bacras, Bulanao, Tabuk City ang labi ni Patrolman Harwin Curtney Baggay na nasawi matapos rumesponde sa isang robbery incident sa Quezon City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Medie Lapagan Jr. Ang PCADU chief ng Kalinga Police Provincial Office, sinabi niya na sinalubong ng hanay ng 1st PMFC ang labi ni Pat. Baggay.

Iginawad ng Kalinga Police Provincial Office ang arrival honors kay Baggay bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan.

Batay na rin sa kaanak ni Pat. Baggay ang libing ay posibleng gawin sa Pinukpuk Kalinga sa susunod na Linggo.

--Ads--

Si Pat. Baggay, 28 taong gulang, ay binaril ng isang armadong suspek nang rumesponde siya at ang kanyang kasama sa sunod-sunod na putok ng baril malapit sa kanilang istasyon noong Lunes, Hunyo 30.

Nauuna nang biniktima ng suspek ang isang tindero bago itinutok ang baril kay Baggay. Nasawi rin ang salarin matapos ang engkwentro.

Ayon sa imbestigasyon, may rekord ang suspek na illegal possession of firearms, alarm and scandal, at attempted homicide.

Ayon sa kanyang ama na si Ginoong Hector Baggay, tatlong taon nang nagseserbisyo si Harwin sa Philippine National Police, at huling nakauwi noong Hunyo 7 upang dumalo sa kasal ng kapatid ang huling sandaling nakasama ng pamilya.

Bilang pagkilala sa kanyang sakripisyo, iginawad ni PGen. Nicolas Torre III ang Medalya ng Kadakilaan kay Pat. Baggay para sa kanyang tapang, dedikasyon, at katapatan sa tungkulin.