--Ads--

Nasawi ang isang lalaki matapos ang banggaan ng motorsiklo at isang ongbak o trike sa bahagi ng Lubbog, Purok Uno, Asiga, Pinukpuk, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Medie Lapangan Jr., Chief ng PCADU at concurrent Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office, sinabi niya na ang tsuper ng motorsiklo ay si Alberto Baddung na residente ng Balbalan Kalinga at ang backrider nito na si Alfredo Ittong Dawaton na residente ng Pinukpuk Kalinga.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya binabaybay ng motorsiklong minamaneho ni Baddung ang pakurbada at pababang bahagi ng Junction-Pinukpuk patungong Balbalan nang mawalan ng preno ang motorsiklo at bumangga sa kasalubong na trike.

Sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang backrider na si Dawaton na naging sanhi ng kanyang pagkasawi habang ang tsuper na si Baddung ay nagtamo rin ng mga sugat sa katawan na agad namang nadala sa pinakamalapit na pagamutan.

--Ads--

Maswerte namang walang nasaktan sa mga hindi na pinangalanang sakay ng trike maliban sa naitalang sira sa sasakyan.

Ayon kay PltCol. Lapangan, mechanical error ang isa sa tinitingnang rason sa aksidente maliban pa sa hindi magandang lagay ng panahon dahil sa maulan at sa pababang bahagi pa ng kalsada nangyari ang aksidente.

Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga motoristang dumadaan sa mga kalsada ng lalawigan ng Kalinga na maiging suriin muna ang sasakyan bago bumyahe upang maiwasan ang aksidente.