Aasahan ang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo nitong Martes, Hulyo 9, matapos lumuwag ang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran matapos ang 12 araw na giyera doon.
Sa magkakahiwalay na abiso, inanunsyo ng mga kumpanya ng langis na Seaoil, PetroGazz, at Shell na magpapatupad sila ng rollback sa presyo ng kanilang mga produkto.
Bababa ng P0.70 kada litro ang presyo ng gasolina, habang P0.80 kada litro naman ang ibabawas sa kerosene.
Samantala, pinakamaliit ang bawas sa diesel na nasa P0.10 kada litro lamang.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo ng pagbaba ng presyo ng petrolyo.
Kabilang sa mga dahilan ng rollback ay ang posibleng pagtaas ng produksyon ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), na magreresulta sa mas maraming suplay sa pandaigdigang merkado at posibleng pagbaba ng presyo.
Binabantayan din ng mga eksperto ang epekto ng pagwawakas ng pansamantalang pagtigil sa taripa ng Estados Unidos sa Hulyo 9, na maaaring makaapekto sa demand ng langis at sa pandaigdigang ekonomiya.











