--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang motorcycle rider matapos bumangga sa isang aluminum truck sa Brgy.Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya, pasado alas-11 ng gabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, hepe ng Bagabag Police Station, sinabi niyang pagewang-gewang ang takbo ng motorsiklo batay sa mga saksi, bago ito lumihis sa kabilang linya at sumalpok sa kasalubong na truck.

Sa lakas ng banggaan, pumailalim ang rider at naipit sa kaliwang gulong ng truck, saka nakaladkad ng ilang metro. Agad siyang binawian ng buhay dahil sa matinding pinsala sa ulo.

Batay sa imbestigasyon, nakainom ng alak ang biktima na pauwi na sana sa kanilang bahay sa Brgy. Villaros nang mangyari ang insidente.

--Ads--

Muling nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na huwag magmaneho kung nakainom, at tiniyak na tuloy-tuloy ang kanilang mga hakbang tulad ng random checkpoints, information drive, at patrol operations upang maiwasan ang ganitong trahedya.