--Ads--

CAUAYAN CITY- Naniniwala si Reina Mercedes Vice Mayor Atty. Harold Respicio na malaking tulong ang naging komento ng European Union upang maibasura ang kasong isinampa sa kaniya ng Comelec.

Ayon kay Respicio, mismong European Union na nagsagawa ng election observation noong nakaraang halalan ang nagsabing hindi dapat maging labis na sensitibo ang Comelec sa mga komentong ibinabato sa kanila.

Giit ng bise alkalde, mas mainam sana kung nakipag-dayalogo ang Comelec upang maayos na mapag-usapan ang kanyang mga obserbasyon kaugnay ng automated counting machines.

Sa halip, inireklamo umano siya at giniit sa kaso dahil sa kanyang mga suhestiyon at pangangamba sa sistema ng eleksiyon sa bansa.

--Ads--

Tiwala si Respicio na magagamit nila ang komentong ito ng European Union bilang bahagi ng kanyang depensa, partikular sa cyber libel case na isinampa laban sa kanya.

Kaugnay ito sa video na kanyang ipinost kung saan sinabi niyang maaaring manipulahin ang vote counting machines na makaaapekto sa resulta ng eleksiyon.

Dagdag pa ni Respicio, malinaw na layunin ng naturang video ay magbigay ng mungkahi, hindi para siraan ang Comelec.

Naniniwala rin siya na ang European Union ay isang credible at malawak na organisasyon pagdating sa pagbibigay ng impartial na obserbasyon sa mga eleksiyon.