--Ads--

Nasawi ang hindi bababa sa 24 indibidwal na nasa paligid ng isang aid distribution site sa Gaza, ayon sa ulat ng lokal na ospital.

Batay sa ulat ng Gaza hospital, tinamaan ng putok ang ilang Palestinian na nasa lugar upang kumuha ng ayuda. Nagpaputok umano ng mga bala ang tropa ng Israel Defense Forces (IDF) habang nagaganap ang pamamahagi ng pagkain sa naturang site.

Gayunpaman, giit ng IDF, wala umano silang tinamaan na sibilyan sa nasabing insidente.

Kaugnay nito, pahayag ng isang opisyal ng Israeli military na nagpakawala lamang sila ng mga “warning shots” upang maiwasan ang pagdagsa ng tao sa lugar ng distribusyon. Aniya, ang hakbang ay bahagi ng crowd control upang mapanatili ang kaayusan sa gitna ng pamamahagi ng ayuda.

--Ads--

Samantala, hindi ito ang unang ulat ng mga namamatay habang kuha-kuha ang pagkain mula sa aid trucks sa Gaza. Mula nang magsimula ang kaguluhan, nagiging delikado na rin ang bawat kilos ng mga residente sa gitna ng banta ng karahasan.

Matatandaang umabot na sa 57,823 ang bilang ng mga nasawi sa Gaza simula nang maglunsad ng pag-atake ang Hamas noong Oktubre 7, 2023. Bukod dito, 251 katao rin ang patuloy na hawak bilang hostage mula sa nasabing insidente.