CAUAYAN CITY- Isang Guro mula sa Cauayan City Stand Alone Senior High school ang pasok bilang National Finalist sa Outstanding Filipinos Awards for Teachers Secondary Education.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ramon Villanueva Teacher II ng Cauayan City Stand Alone Senior High school, sinabi niya na Enero ng inominate siya ni School Principal John Mina sa Outstanding Filipinos Awards for Teachers Secondary Education.
Una ay tinanggihan niya ito dahil alam niya na hindi sasapat ang kaniyang karanasan para sa naturang kompetisyon.
Sa initial review ay pumasa naman ang mga dokumento niya hanggang sa napabilang siya sa Pre-Qualifiers at ipinagpatuloy niya ang paghahanda sa mga kinakailangan niyang mga dokumento kung saan mula sa higit anim napu ay napabilang siya sa higit tatlumpung National Qualifiers.
Aniya hindi naging madali dahil sa naging mahigpit ang pagsusuri sa mga ipinasa nilang dokumento hanggang sa nakalusot siya sa Semi-final round.
Naging madugo aniya ang labanan dahil bago makapasok sa National finalist ay nagkaroon ng close door screening kung saan pinagawa sila ng lesson plan at learning materials bago ang demo teaching.
Halos manliit aniya siya dahil hindi siya sanay sa ganitong mga aktibidad lalo at mga bigating tao ang kasali sa panel na nagsagawa ng interview.
Aniya bilang siya ay isang app developer ay ginamit niya ito upang makatulong sa kapwa niya sa Guro para mas mapadali ang kanilang trabaho.
Bumuo siya ng isang application o programa kung saan mas pinapadali ang paggawa ng school records at school reports.
Isa rin siya sa mga nag-develop ng learning materials o activity sheets noong pandemiya na nagkaroon ng malaking impact at ina-dopt ng ibang Divission Office.
Sa katunayan noon ay gusto niya ang Journalism subalit dahil walang eskwelahan noon ang nagbibigay ng kursong ito ay nagkaroon siya ng second option na kumuha ng kursong IT at hanggang sa nagkaroon siya ng passion sa pagtuturo.
Masarap aniya sa pakiramdam at fulfillment para sa akaniya bilang Guro na maging bahagi ng buhay ng kaniyang mga estudyante at sa kanilang hinaharap.
Payo niya sa mga kabataan na huwag tumigil sa kaniyang pangarap sa kabila ng mga challenges lalo na para sa kaniya na may kapansanan na sinubok ng physical limitations subalit sinikap niyang ibigay ang kaniyang best sa lahat ng kaniyang ginagawa.
Aniya hindi kawalan ng katalinuhan ang pagbabahagi ng kaalaman sa iba kaysa maging competetive.











