Dumami ang bilang ng mga enrollees ng Cauayan City Stand Alone Senior High School ngayong School Year 2025-2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, Principal ng CCHS, sinabi niya na ngayong taon ay mayroong kabuuang bilang na 1, 663 enrollees ang Grade 11 at mas mataas ito kung ikukumpara sa 1,500 enrollees noong nakaraang panuruang taon.
Inaasahan naman na madaragdagan pa ang naturang bilang lalo at mayroon pang humahabol na magpa-enroll at ang ilan sa mga ito ay mga transferees.
Sa ngayon ay mayroon nang 36 sections para sa ika-11 na baitang.
Aabot naman sa 1,578 na enrollees sa grade 12 na may kabuuang sections na 33.
Isa sa mga tinitignang dahilan kung bakit dumami ang enrollees ngayong taon ay ang pilot implementation ng strengthened senior high school curriculum kung saan nabawan ang core subjects.
Batay sa datos, 1,307 learners ang nag-enroll sa academics habang 331 naman ang kumuha Technical Proffesional o TechPro.
Bagama’t kulang ang mga pasilidad para ma-accommodate ang lahat ng mga mag-aaral ay tiniyak naman ni Dr. Mina na mayroong magagamit na mga upuan at lamesa pansamantala ang mga estudyante.
Pinag-aaralan naman nila ang pag-papatupad ng double shift upang maibsan ang congestion sa mga silid-aralan.