--Ads--

Ipinatupad ang panibagong malaking pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong Martes.

Batay sa mga abiso ng mga kompanyang langis gaya ng Pilipinas Shell, Cleanfuel, PetroGazz, Caltex, at Seaoil, magkakaroon ng P1.40 kada litro na dagdag sa presyo ng diesel, 70 centavos sa kada litro sa gasolina, at 80 centavos sa kada litro sa kerosene.

Epektibo ang price adjustment simula ngayong alas-6 ng umaga.

Sa nakalipas na dalawang linggo, nakapagtala ng kabuuang rollback na P1.90 kada litro sa diesel, P2.10 kada litro sa gasolina, at P3.00 kada litro sa kerosene.

--Ads--

Matatandaang noong huling linggo ng Hunyo, nagkaroon din ng malaking taas-presyo sa langis na P3.50 kada litro sa gasolina, P5.20 kada litro sa diesel, at P4.80 kada litro sa kerosene.

Inihayag ni Jetti Petroleum President Leo Bellas na tumaas ang presyo ng krudong langis at mga produktong petrolyo ngayong linggo dahil sa senyales ng malakas na demand sa pandaigdigang merkado. Ayon kay Bellas, mas nanaig ang epekto ng mataas na demand kaysa sa dagdag na suplay matapos ang desisyon ng OPEC+ na dahan-dahang alisin ang kanilang production cuts sa Agosto.

Dagdag pa niya, nakaapekto rin sa pagtaas ng presyo ang inaasahang mas mababang produksyon ng langis sa Estados Unidos, limitadong suplay mula sa OPEC+, at ang muling pag-atake ng grupong Houthi sa mga barkong pandagat sa Red Sea.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Bellas na nananatiling pabagu-bago ang galaw ng presyo sa mga susunod na linggo. Aniya, ang pangambang dulot ng US tariffs na maaaring magpabagal sa pandaigdigang ekonomiya ay nagpapababa rin sa inaasahang demand sa langis, dahilan upang manatiling hindi tiyak ang direksyon ng presyo sa hinaharap.