CAUAYAN CITY- Isabela — Ipinagdiriwang ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang Police Community Relations Month ngayong Hulyo sa ilalim ng temang “Sa Bagong Pilipinas, Gusto ng Pulis ay Ligtas Ka.” Layon ng mga aktibidad na palakasin ang ugnayan ng PNP sa komunidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Terrence Tomas, Public Information Officer ng IPPO, nagsagawa ang bawat himpilan ng mga programang gaya ng lecture sa Violence Against Women and Their Children Act at Anti-Bullying, na inihahatid sa mga paaralan at barangay upang palaganapin ang kaalaman sa karapatang pantao at seguridad.
Sa Hulyo 17, nakatakda ang Memorandum of Agreement signing sa pagitan ng IPPO at Philippine Red Cross para sa isang bloodletting activity, katuwang ang mga LGU sa pagpapatupad ng mga inisyatibo.
Sa pagtatapos ng PCR Month sa Hulyo 31, isasagawa ang awarding ceremony sa PNP Provincial Headquarters sa Ilagan City, bilang pagkilala sa mga tauhang nagpakita ng dedikasyon sa community relations.
Ipinagmalaki rin na nominado si IPPO Provincial Director Col. Lee Allen Bauding bilang Best PCO for Police Community Affairs Division sa national level para sa taong ito.









