CAUAYAN CITY- Mas lalo pang paiigtingin ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang mga nakalatag na Comelec Checkpoint sa lalawigan ng Isabela tatlong araw bago ang halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng IPPO, sinabi niya na walang problema sa deployment ng mga PNP personnel na nakatalaga sa mga comelec checkpoints at Police Post dahil aabot sa 129 PNP Personnel ang nadeploy para sa augmentation.
Mahigpit pa rin aniya nilang binabantayan sa ngayon ang mga indibidwal na may bitbit na mga hindi lisensyadong baril pangunahin na ang mga walang certificate of exemption mula sa Commission on Elections.
Ito ay upang maiwasan ang mga krimen na maaaring maitala ngayong nalalapit ang halalan.
Nilinaw naman ni PCapt. Topinio na pagdating sa Comelec Checkpoint ay visual search lamang ang ginagawa ng mga kapulisan kaya hindi ito magdudulot ng abala.