--Ads--

Dahil sa patuloy na pagkalat ng deepfakes at iba pang mapanlinlang na content, pinag-iisipan ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na pansamantalang ipasuspinde ang operasyon ng Facebook sa Pilipinas.

Ito ang babala ni DICT Undersecretary Henry Rhoel Aguda, matapos siyang magpadala ng liham kay Mark Zuckerberg, ang founder ng Facebook at pangunahing shareholder ng Meta Platforms, upang ipahayag ang kanilang seryosong pagnanais na linisin ang social media platform mula sa fake news.

Sa nasabing liham, nanawagan si Aguda kay Zuckerberg na agarang kumilos laban sa pagkalat ng pekeng balita at iba pang fake content, kabilang na ang mga deepfake videos na nililikha gamit ang artificial intelligence (AI).

Ang Meta ang pangunahing kumpanya na nagmamay-ari ng Facebook at Instagram.

--Ads--

Ayon kay Aguda, sa halip na magsilbing plataporma para sa pagkakaisa at koneksyon ng mga tao, unti-unti na umanong nagiging “toxic online space” ang Facebook dahil sa pagdami ng pekeng impormasyon.

Napuna rin ng kalihim na mabilis ang paglaganap ng deepfakes hindi lamang sa Facebook, kundi pati na rin sa iba pang social media platforms at maging sa mga messaging apps gaya ng Viber.