--Ads--

Isang panibagong dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ang mararanasan ng mga motorista simula ngayong Martes, Hulyo 22, matapos mag-anunsyo ng panibagong oil price hike ang ilang kumpanya ng langis.

Ito na ang ikalawang sunod na linggo ng taas-presyo.

Sa magkahiwalay na abiso, inanunsyo ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na magpapatupad sila ng dagdag na P0.40 kada litro sa gasolina, P1.10 sa diesel, at P0.70 sa kerosene.

Susunod din sa parehong adjustments ang Cleanfuel at Petro Gazz Ventures Philippines Corp., maliban sa kerosene na wala sa kanilang produkto.

--Ads--

Epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga sa Martes, Hulyo 22 maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng dagdag-presyo alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Wala pang abiso ang ibang kumpanya ng langis ukol sa posibleng dagdag-presyo ngayong linggo.

Ayon sa Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), inaasahan na ang pagtaas ngayong linggo ay dahil sa patuloy na paglakas ng demand sa langis at mga ispekulasyong maaaring bumagal ang pandaigdigang ekonomiya at konsumo ng enerhiya dahil sa mga polisiya sa taripa ni US President Donald Trump.

Matatandaan na noon lamang nakaraang linggo, nagtala ng taas-presyo na P0.70 sa gasolina, P1.40 sa diesel, at P0.80 sa kerosene.

Sa kabuuan, umabot na sa netong pagtaas na P9.00 kada litro para sa gasolina, P11.35 sa diesel, at P1.85 sa kerosene ang naitala mula Enero hanggang Hulyo 15, 2025.