Inatasan ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang mga local chief executive (LCE) sa mga lugar na nakakaranas ng pagbaha at landslide-prone area na magsagawa ng sapilitang paglikas kung kinakailangan, sa gitna ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan dulot ng southwest monsoon o habagat na nagbabanta sa maraming rehiyon sa bansa.
Sa isang memorandum na inilabas ngayong Martes, ipinag-utos ni Remulla sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) na tumulong sa mga local government unit (LGU) sa pagpapatupad ng evacuation orders, kabilang na ang pagbabantay sa mga evacuation centers at iniwang mga tahanan ng mga evacuees.
Binibigyang-diin ng Kalihim ang kahalagahan ng pagbibigay-proteksyon sa mga bulnerableng sektor gaya ng mga bata, matatanda, at persons with disabilities (PWDs).
Kasunod ito ng pinakabagong weather advisory mula sa PAGASA, na nagbabala ng katamtaman hanggang matinding pag-ulan na maaaring umabot ng hanggang 200 milimetro sa mga bahagi ng Ilocos Region (Region I), Central Luzon (Region III), Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region (Region V), Western Visayas (Region VI), Negros Island Region, at Metro Manila sa mga susunod na araw.
Nanganganib sa matinding pagbaha ang mga urbanisado, mabababang lugar, at mga komunidad malapit sa ilog, habang may banta rin ng pagguho ng lupa sa mga lugar na itinuturing na may katamtaman hanggang mataas na susceptibility.
Ayon pa kay Remulla ang lahat ng residente ay kailangang makipagtulungan sa kanilang mga lokal na opisyal at lumikas agad kapag inutusan at gagawin ang sapilitang paglikas na isang kinakailangang hakbang upang maiwasan ang pagkasawi sa mga matitinding kalamidad.
Pinakilos na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga regional disaster response councils upang makipag-ugnayan sa mga LGU para sa agarang pamamahagi ng relief goods sa mga pamilyang apektado.
Pinaalalahanan din ni Remulla ang mga lokal na opisyal na sumunod sa mga Operation L!STO protocols na naglalaman ng mga gabay para sa emergency preparedness ng mga LGU tuwing may kalamidad.










