--Ads--

Dismayado ang ilang mga residente sa Cauayan matapos hindi talakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address  (SONA) ang pagpapababa sa presyo ng Farm Inputs sa kabila ng pagpapababa ng presyo ng bigas.

Batay sa SONA ng pangulo, binigyang diin kasi nito na maraming indibidwal ang natulungan ng P20 kada kilo ng bigas at plano itong palawigin sa buong bansa upang lahat ay makinabang.

Ayon sa pangulo, ang pagbaba ng presyo ng bigas ay titiyaking hindi makaaapekto sa mga magsasaka.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Jinky Mallabo, kapamilya ng magsasaka sa lungsod ng Cauayan, aniya, maganda ang hangarin ng pangulo na mapababa ang presyo ng bigas at napakinggan naman niya mismo sa SONA ng pangulo na patuloy ang pagpapababa ng presyo nito.

--Ads--

Nangangamba lamang aniya sila dahil ngayon ay bumaba na rin ang presyo ng palay, taliwas ito sa binabanggit ng pangulo na hindi apektado ang mga magsasaka.

Sa ngayon aniya ay nakatuon lamang ang atensyon ng Malacañang sa pangkalahatang interest ng taumbayan ngunit hindi nakikita ang paghihirap at malaking gastusin ng mga magsasaka sa pagbili ng mga abono, binhi, at gagastusin pa sa pagpapasahod sa mga magtatrabaho.

Ayon pa sakanya, dapat maging balanse ang Pangulo at ikonsidera rin nito na mapababa ang presyo ng farm inputs upang hindi malugi ang mga magsasaka.

Iginiit pa nito na posibleng dahil sa mataas na presyo ng farm inputs at mababang  presyo ng palay ay mag desisyon na lamang ang kanilang mga kamag-anak  na magtanim na lamang ng gulay kaysa magtanim ng palay.