Patay na nang matagpuan ang isang Filipina na iniulat na nawawala sa Las Vegas, Nevada.
Hulyo 27 nang iulat ang pagkawala ng 75-anyps na si Lourdes Morin.
Huli itong nakita na patungo sa St. Viator Church malapit sa Flamingo para magsimba ngunit hindi na nakauwi.
Ayon sa Missing Person Alert na inisyu ng Las Vegas Metropolitan Police Department, si Morin ay huling nakita alas-7 ng umaga noong Hulyo 26 malapit sa Dorothy Avenue suot ang puting blouse at itim na pantalon.
Makalipas ang tatlong araw ay nadiskubre ng mga hiker ang naaagnas nang katawan sa isang bangin, 10 kilometro ang layo kung saan ito huling nakita.
Ayon kay Michael Lampkin, asawa ng anak ni Morin, nakasubsob ang mukha ng biktima at nasa advanced state of decomposition na.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may foul play sa pagkamatay ng Filipina at isinasagawa ang autopsy upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.
Humihingi ng tulong ang mga kaanak ng biktima para sa cremation at pagpapauwi ng mga abo nito sa Pilipinas.
Samantala, umapela naman si Michael sa Philippine Consulate General sa Los Angeles ng tulong sa pagpapauwi kay Lourdes.
Aniya, ilang araw na nilang tinatawagan ang konsulado ngunit sinasagot lamang sila ng isang answering machine.











