CAUAYAN CITY- Nanawagan sa Bombo Radyo Cauayan ang asawa ng nawawalang Seafarer na si Messman Edilberto Marquez Paragas mula sa Roxas, Isabela.
Si Edilberto ay naiulat na nawawala noong ika-19 ng Disyembre 2024 habang naka-angkla ang kanilang Barko na MT Plata North sa Fujairah, United Arab Emirates.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Melisa Mendez Paragas, asawa ng nawawalang Seaman, sinabi niya na huli niyang nakausap ang kaniyang asawa noong ika-18 ng Disyembre kung saan sinabihan siya ng kaniyang asawa na gusto na nitong umuwi ng Pilipinas.
Hindi naman umano niya sinabi ang eksaktong dahilan kung bakit gusto na nitong umuwi ngunit nang dahil sa napansin nito na hindi maayos ang kalagayan ng kaniyang asawa tumawag siya sa agency ng kaniyang mister upang ipaalam ang kagustuhan ng kaniyang asawa na umuwi na ng bansa.
Maaari naman daw itong maka-uwi ngunit sasagutin nito lahat ng gastusin sa kaniyang pag-uwi dahil hindi pa tapos ang kontrata nito.
Handa naman umano ang kaniyang asawa na gumastos ng malaki basta maka-uwi lamang siya ng bansa dahil baka mayroon umanong mangyaring masama sa kaniya kapag hindi pa siya nakaalis doon.
Kinagabihan ng Disyembre 18 ay kinumusta niya ang kaniyang mister at sinabi nito na nasa maayos siyang kalagayan ngunit halata umano na tila may kinakatakutan ang kaniyang asawa.
Makalipas ang ilang oras ay kinumusta niya ulit ito ngunit bigla umanong nawala ang social media account ng kaniyang asawa at hindi na rin siya macontact.
Dahil dito ay dali-dali silang nagtungo sa Maynila para humingi ng tulong sa agency ng kaniyang mister at doon nila napag-alaman na missing na ang kaniyang asawa.
December 19 umano ay inantay na siya ng kaniyang mga kasamahan para maghanda ng kanilang pagkain ngunit wala silang naantay kaya pinuntahan siya sa kaniyang Cabin ngunit naka-kandado ito.
Nang nabuksan umano nila ang kaniyang kwarto ay wala roon ang kaniyang asawa at hindi rin siya nahanap sa buong barko.
Ayon kay Mrs. Paragas, may nasabi umano sa kaniyang mister sa kaniyang kapatid na may nambully umano sa kaniyang asawa na banyaga.
Naiparating na rin umano nila sa OWWA ang pagkawala ng kaniyang mister ngunit nagpapatuloy pa rin umano sa ngayon ang kanilang pagsisiyasat.
Nanawagan naman siya sa publiko pangunahin na sa mga ahensya na makatutulong sa kanila upang mahanap ang kaniyang asawa lalo at hinahanap na rin siya ng kanilang dalawang anak.