CAUAYAN CITY- Masyado nang huli ang hakbang ng pamahalaan na pagsuspinde sa importasyon ng bigas ng bansa sa loob ng 60 araw.
Ito ang inihayag ng Rice Millers Association Region 2 sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 60-day import ban simula unang araw ng Setyembre upang protektahan ang mga magsasaka sa napakababang presyo ng palay sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ernesto Subia, Presidente ng Rice Millers Association Region 2, sinabi niya na kahit pa itigil ng pamahalaan ang pag-import ay hindi pa rin nito mababawi ang lugi ng mga magsasaka lalo na at marami pang mga bigas sa nakalipas na cropping ang hindi pa naibebenta dahil sa labis na suplay ng imported rice.
Malaking salik aniya ito upang mas lalong bumaba ang presyo ng palay sa susunod na cropping season.
Problema rin ito para mga rice traders at millers kung paano nila bibilhin ang produkto ng mga magsasaka lalo na at nagbanta ang Pangulo na ipakukulong ang mga traders na bibili ng palay sa murang halaga.
Mas mainam aniya kung pamahalaan na lamang ang bumili ng palay ng mga magsasaka sa mataas na presyo lalo na at sila naman ang sanhi ng problema,
Giit ni Subia, pa-pogi lang ang ginawa ng pamahalaan noon na pagpapababa ng taripa ng imported rice dahil tanging ang mga magsasaka sa ibang bansa ang nabenepisyuhan nito.
Binigyang diin nito na hindi dapat binabago ng pamahalaan ang batas gaya na lamang ng Rice Tariffication Law dahil layon nitong pigilan ang pagpasok ng bigas mula sa ibang bansa subalit iniba ito ng administrasyon kaya nalulugi ngayon ang mga Pilipinong magsasaka.







