Arestado na ang tatlong indibidwal na inaakusahang sangkot sa kaso ng panununog at kabilang sa mga “topmost wanted” sa bayan ng Alfonso Lista, ayon kay Police Captain Ruben Balanoy, hepe ng Alfonso Lista Police Station.
Ayon kay Balanoy, nahuli ang mga suspek sa dalawang magkahiwalay na operasyon nitong Miyerkules, sa Sitio Kubo, Barangay Kiling.
Kinilala ang mga suspek na isang 53-anyos na babae, magsasaka; isang 48-anyos na babae, magsasaka; at isang 48-anyos na lalaki na magsasaka rin. Sila ang No. 2, No. 3, at No. 4 sa listahan ng mga most wanted na indibidwal sa municipal level.
Sa bisa ng warrant of arrest, inaresto ang tatlo sa kasong paglabag sa Article 321 ng Revised Penal Code (Other Forms of Arson) at may tig-P120,000 na piyansa para sa pansamantala nilang kalayaan.
Batay sa imbestigasyon, pumasok umano ang mga suspek sa isang sakahan at sinunog ang mga fruit bearing trees. Hindi tinukoy ni Balanoy kung ilan ang kabuuang bilang ng mga punong nasira sa insidente.
Dagdag pa ng hepe ng pulisya, patuloy silang magsasagawa ng operasyon upang ipatupad ang batas at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
“Lubos naming pinasasalamatan ang suporta ng komunidad at ng lokal na pamahalaan na naging susi sa matagumpay na operasyon laban sa mga wanted na indibidwal,” ani Balanoy.
VIA – Leonora Lo-oy | GURU Press Cordillera








