--Ads--

Binuweltahan ng pamunuan ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO II ang kanilang mga kritiko sa isinagawang pulong balitaan sa Barangay Alibagu, City of Ilagan.

Inihayag ni General Manager Engr. Erni Baggao na patuloy na maayos ang serbisyong ibinibigay ng ISELCO II sa kabila ng mga batikos kaugnay sa madalas na pagkawala ng kuryente nitong mga nagdaang linggo.

Ayon kay Baggao, tinutugunan ng kanilang pamunuan ang lahat ng isyu sa suplay ng kuryente at kabilang dito ang planong pagtatayo ng mga karagdagang substation sa Roxas at Mallig upang mabawasan ang nararanasang brownout.

Ipinaliwanag naman ni Director Sherwin Balloga na may mga pagkakataong nagkakaroon ng unscheduled power interruption dahil sa mga sanhi tulad ng pagkakasabit ng mga sanga ng puno sa linya ng kuryente at iba pang teknikal na dahilan.

--Ads--

Dagdag pa niya, kapag may scheduled maintenance, agad silang nagbibigay ng abiso sa social media, partikular sa Facebook, upang malaman ng mga member-consumer ang iskedyul ng pagkawala ng kuryente.

Nilinaw rin ni Balloga na nauunawaan nila ang sentimyento ng kanilang mga member-consumer at iginiit na walang sinuman sa kanilang hanay ang nagnanais na magkaroon ng power interruption dahil pati sila ay naaapektuhan nito.

Binigyang-diin ni Baggao na patuloy ang pagsisikap ng ISELCO II na maghatid ng maayos at tuloy-tuloy na serbisyo sa lahat ng kanilang nasasakupan.