Inaasahang aabot sa P19.06 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas sa susunod na taon, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Budget and Management (DBM).
Batay ito sa bagong inilabas na National Expenditure Program para sa fiscal year 2026, kung saan isinagawa ang ilang pagbabago sa pambansang budget at mga borrowing programs ng bansa.
Sa nasabing halaga, tinatayang P13.28 trilyon ang manggagaling sa domestic o panloob na utang, habang P5.78 trilyon naman ang inaasahang mula sa panlabas o foreign debt.
Ngayong taon, inaasahang aabot sa P17.359 trilyon ang kabuuang utang ng bansa na bahagyang mas mataas kumpara sa dating projection na P17.353 trilyon.
Noong Hunyo, naitala ang pinakamataas na antas ng utang sa kasaysayan ng bansa sa halagang P17.27 trillion. Sa naturang buwan, lumobo ang domestic debt sa P11.95 trilyon mula sa P11.78 trilyon noong Mayo, at mas mataas kumpara sa P10.57 trilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, umabot sa P5.32 trilyon ang panlabas na utang ng bansa, mas mataas ng P178.56 bilyon mula sa P5.14 trilyon noong Mayo.
Ayon sa mga eksperto, mahalagang masubaybayan at mapamahalaan nang maayos ang paglobo ng utang upang matiyak ang fiscal stability ng bansa sa mga darating na taon.





