Pinag-uusapan na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga panukalang batas upang mabigyan ng mas malawak na suporta ang mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rep. Tonypet Albano ng Unang Distrito ng Isabela, sinabi niyang nakipag-ugnayan na siya sa Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka at sa Chairman ng Committee on Agriculture sa Kamara upang matugunan ang problema ng mga magsasaka sa pagkalugi.
Ayon kay Albano, maglalaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng malaking pondo mula sa pambansang badyet para sa sektor ng agrikultura. Layunin nitong gawing matatag ang presyo ng pagbili ng pamahalaan ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Target din umano ng Pangulo at ng Department of Agriculture (DA) na mapalawak pa ang pagbebenta ng bigas na nagkakahalaga ng ₱20 kada kilo, lalo na para sa mga pamilyang kabilang sa mahihirap na sektor.
Nilinaw naman ni Albano na kahit may ₱20/kilo na bigas sa merkado, hindi ibig sabihin na ibababa rin ang farmgate price ng palay na tinatanggap ng mga magsasaka.











