--Ads--

Matapos ang tatlong oras ng tensyonadong negosasyon sa pagitan ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos at Pangulong Vladimir Putin ng Russia, nagkaroon ng malinaw na progreso tungo sa mabilis na pagresolba ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ang pagpupulong ay dinaluhan nina Donald Trump, negosyanteng si Steve Witkoff, at Senador Marco Rubio para sa panig ng Amerika, at nina Vladimir Putin, Foreign Minister Sergei Lavrov, at diplomat na si Yuri Ushakov para sa panig ng Russia.

Layunin ng pag-uusap ang matagumpay na pagbuo ng kasunduan para sa ceasefire na magtatapos sa digmaan na nagsimula pa noong Pebrero 2022.

Bago ang pagpupulong, matindi ang pagtutol ng Russia na gumawa ng kompromiso habang nagpapatuloy ang okupasyon at pag-atake nito sa Ukraine. Ngunit matapos ang pakikipag-usap kay Trump, lumilitaw na handa na ang Russia na sumang-ayon sa ilang mahahalagang punto, bagaman hindi pa sapat upang agad na magdeklara ng tigil-putukan.

--Ads--

Bagama’t hindi pa ito ang inaasahang pinal na kasunduan, malinaw na isa itong hakbang pasulong at mas malapit sa pagtatapos ng labanan na kumitil na ng mahigit isang milyong buhay.

Sa isang press conference, nanatiling positibo si Trump sa progreso at naging magaan ang usapan nila ni Putin, lalo na nang imungkahi ng lider ng Russia na isagawa sa Moscow ang susunod na pagpupulong ng dalawang bansa.