--Ads--

Demoralisado umano ang mayorya ng mga opisyal sa liderato ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla dahil wala itong alam sa kalakaran sa uniformed services.

Ito ang nilalaman ng kumakalat na manifesto mula umano sa mga uniformed services kabilang ang PNP, Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Isa namang manifesto na inisyu ng PNPA Alumni Association, Inc. (PNPAAAI), Association of Police Officers via Lateral Entry (APOLE), at iba pang high-ranking PNP officials ang nagpahayag ng buong suporta sa pamamalakad ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III.

Sinabi ng mga ito na bagaman ang kanilang pahayag ay hindi direktang nanawagan na magbitiw na sa tungkulin si Remulla ay malinaw ang mensahe na wala ng tiwala at kumpiyansa ang uniformed services sa pamumuno ni Remulla.

--Ads--

Ikinagalit ng mga opisyal ang umano’y pakikialam ni Remulla na isang pag-abuso sa kapangyarihan ng gamitin nito ang NAPOLCOM para baguhin ang ipinag-utos na balasahan ni Gen. Torre na nakaapekto kay P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Binigyang diin pa ng grupo na kung ang isang Alyas Pogi ay mananatili pa sa DILG ay lalo aniyang magiging malalim ang demoralisasyon sa kapulisan, mga bumbero at mga jail officers na pawang nasa ilalim ng pangangasiwa ng DILG.

Idinagdag pa ng mga ito na hindi palaruan o playgroud ng pulitika o personal na agenda ang DILG.