Ipinag-utos ng Senate Blue Ribbon panel ang pagpapalabas ng subpoena sa mga pribadong kontratista na hindi nakadalo sa pagdinig ng komite sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sa 15 contractor na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na nakakuha ng karamihan sa mga flood control projects ng gobyerno, pito lamang ang dumalo sa pagdinig.
Naghain ng mosyon si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na mag-isyu ng subpoena laban sa mga hindi dumalong contractor para hingin ang mga ito na dumalo sa susunod na pagdinig.
Walang tumutol sa ginawang mosyon ni dela Rosa na kalaunan ay inaprubahan ni panel head Sen. Rodante Marcoleta.
Nagpadala ang Senate Blue Ribbon panel ng 15 imbitasyon, ito ay para sa lahat ng mga contractor na pinangalanan ng Pangulo, upang imbitahang dumalo sa pagdinig.
Sa bilang na ito, 11 ang sumagot, at sa 11 ay 7 lamang ang dumalo sa pagdinig.
Ang mga kontratista na ang mga kinatawan ay dumalo sa pagsisiyasat ngayong Martes ay ang Legacy Construction Corporation, QM Builders, EGB Construction Corporation, Centerways Construction and Development Inc., Triple 8 Construction & Supply, Inc., MG Samidan Construction, at Road Edge Trading & Development Services.
Kalaunan sa pagdinig, gumawa rin ng mosyon si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na mag-isyu ng subpoena sa mga absent contractor, ngunit binawi niya ito matapos sabihin sa kanya na gumawa na ng mosyon si dela Rosa sa pagsisimula ng probe.
Gayunpaman, ang mosyon ni Estrada ay binago ni Sen. Sherwin Gatchalian, na umapela na ang mga may-ari ng mga kumpanya ay i-subpoena sa halip na ang mga kinatawan lamang.
Si Marcoleta, sa kanyang bahagi, ay nagsabi bilang “praktikal,” iimbitahan nila ang pinuno at pinakaresponsableng opisyal ng mga korporasyong sangkot. Ngunit kung may mga valid legal excuses, hihilingin aniya nilang dumalo ang isang taong makakagapos sa korporasyon at makasagot sa mga tanong ng mga senador.
Binigyang diin naman ni Senator Migz Zubiri na kailangan na matukoy at mapanagot kung sinoman ang sangkot sa mga maanomalyang proyekto.











